Kasaysayan ng Rome Temple

Ang Rome Temple ay ang kauna-unahang templo ng Simbahan ni Jesucristo sa Italy at ikalabintatlo sa Europa. Nakatayo ito sa isang burol sa hilagang bahagi ng Rome sa Via di Settebagni, 376-354, isang maringal na lugar na pinalamutian ng mga hardin ng mga bulaklak, matatandang puno ng olibo at isang fountain na umaagos mula sa Templo patungo sa napakagandang gusali ng Visitors' Center at Family History Library na para sa pagsasaliksik ng mga talaangkanan.

Mula noong magbukas ito, ang mga bisita mula sa iba't ibang panig ng mundo ay nagpunta sa sagradong lugar na ito dahil sa angking kagandahan nito at sa kahalagahan nito sa relihiyon. Ang mga miyembro ng Simbahan ay nagtitipon sa loob ng templo para sa mga sagradong seremonyang panrelihiyon na naglalapit sa kanila sa Diyos, habang ang mga turista naman ay nagpupunta upang mapagmasdan ang bakuran ng templo at bisitahin ang Visitors’ Center.

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Italy

Ang kasaysayan ng Rome Italy Temple ay bumabalik sa mga unang araw ng Simbahan sa Italy. Noong 1843, si Joseph Toronto (ipinanganak na Giuseppe Taranto) ang naging unang kilalang Italyano na nagbalik-loob sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw nang siya ay binyagan sa Boston, Massachusetts. Noong 1849, kabilang ang Toronto sa mga unang misyonero na ipinadala sa kanyang tinubuang-bayan nang samahan niya si apostol Lorenzo Snow at ang iba pa sa Italy upang magbukas ng Mission of the Church. Ang unang misyon ay panandalian lamang: ito ay isinara noong 1867, ngunit ilang mga nagbalik-loob ang nanatili.

Si Vincenzo Di Francesca, na nagmula sa Sicily, ay isa pang magandang halimbawa ng katapatan ng mga naunang miyembro ng Simbahan. Noong 1910 siya ay isang ministrong Protestante sa New York nang matagpuan niya ang isang aklat na nawalan ng pabalat. Binasa niya ang aklat, na inakala niyang katulad ito ng Bibliya. Nang matapos niya itong basahin, nanalangin siya at nakatanggap ng kumpirmasyon na ito ay gawa ng Diyos. Ang kanyang puso, aniya, ay mabilis na tumibok "na para bang ito ay nagsasalita" at nadama niya ang isang "sukdulang kagalakan na hindi kayang [ilarawan] ng anumang wika ng tao."
Nang hindi nalalaman na ito ay Ang Aklat ni Mormon, isang aklat ng banal na kasulatan na sagrado sa mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, sinimulan ni Di Francesca na gamitin ang aklat sa kanyang mga sermon. Nang hilingin sa kanya ng mga nakatataas sa kanya na wasakin ang aklat, siya ay tumangging gawin ito at pinagbawalan na siyang mangaral. Nang maglaon, bumalik siya sa Sicily, kung saan ipinagpatuloy niya ang pagbabahagi ng aklat nang madalas hangga't maaari.
Noong 1930, habang may hinahanap siya sa isang diksyunaryo, nakakita niya ang salitang “Mormon”. Naaalalang ito ay isa sa mga pangalang nakalista sa kanyang aklat na walang pamagat, sa wakas ay natuklasan na niya ang pinagmulan ng aklat at nagawa niyang makipag-ugnayan sa mga lider ng Simbahan sa Salt Lake City. Napanatili niya ang regular na pakikipag-ugnayang ito hanggang sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan naging imposible ang komunikasyon.
Sa panahong ito, patuloy na nangaral si Di Francesca gamit ang Ang Aklat ni Mormon at iba pang materyal ng Simbahan na isinalin niya sa Italyano. Noong 1951, pagkatapos ng apat na dekada ng paghihintay, sa wakas ay nabinyagan siyang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Dagat Mediteraneo.

Nang malaman ng ilang Italyano ang ebanghelyo ni Jesucristo sa ibang mga bansa at umuwi para ibahagi ang mensahe sa mga kaibigan at pamilya, muling itinatag ang Simbahan sa Italy noong 1950s. Ang unang mga kongregasyong nagsasalita ng Italyano ay inorganisa sa Brescia at Palermo.
Larawan ng mga unang miyembro
Noong 1966 ang Italian Mission ay muling itinatag na may punong tanggapan sa Rome. Ang Simbahan ay patuloy na lumago at, sa pagitan ng 1970 at 1980, ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa Italy ay dumami nang halos walong beses. Noong 1981 ang unang stake sa Italy (isang unit na tulad ng isang diocese) ay inorganisa.

Noong 2012, pinagkalooban ang Simbahan ng Intesa, isang kasunduan sa pamahalaan ng Italy na nagbibigay ng mga proteksyon sa Simbahan sa ilalim ng konstitusyon ng Italy, na kinabibilangan ng kalayaang isulong ang pandaigdigang misyon nito at pagkilala sa mga lider ng Simbahan bilang mga clergy o pari. Sa kasalukuyan, may mga 27,000 miyembro ng Simbahan sa Italy sa halos 100 kongregasyon.

Ang Italy Rome Temple

Itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa ng templo bilang pinakamataas na uri ng kanilang pagsamba. Sa loob ng maraming taon, ang mga miyembro sa Italy ay nagpupunta sa pinakamalapit sa templo malapit sa Bern, Switzerland. Kadalasan ay kailangan nilang gumastos nang malaki para sa paglalakbay. Ngunit ang mga miyembro sa Italy ay nagnanais din na magkaroon sila ng templo sa kanilang sariling bansa.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 4, 2008, inihayag ni Thomas S. Monson, na noon ay pangulo ng Simbahan, ang planong magtayo ng templo sa Rome. Libu-libong miyembro ng Simbahan sa Italy, na nanonood ng satellite broadcast ng kumperensya sa kanilang mga lokal na meetinghouse, ang nagpalakpakan, nagyakapan, at sama-samang nagalak. “Nagsigawan kaming lahat,” ulat ni Massimo De Feo, na naglilingkod noon bilang pangulo ng Rome Italy Stake. Inilarawan niya ang reaksyon bilang "isang tagpong maaari mong asahang makita sa isang sports arena sa pagkapanalo ng isang koponan sa suling segundo ng laro."

Pagtatayo ng Templo

Nagsimula ang konstruksyon makalipas ang dalawang taon noong Oktubre 23, 2010. Si Pangulong Thomas S. Monson at ang mga lokal na lider ng Simbahan at komunidad ay nakibahagi sa groundbreaking ceremony.

Ang pagbibigay-pansin sa kulturang Italyano ay napakahalaga para sa mga arkitekto sa pagtatayo ng Piazza. Ibinahagi ng arkitekto ng Rome Italy Temple na si Niels Valentiner, “Patuloy kaming bumabalik sa hugis-itlog na disenyo na ito, na talagang itinuturing ng marami bilang isang pagpapahayag ng Italian Baroque architecture… Kumukuha ito ng inspirasyon mula sa estilong pang-arkitektura ng Italy at dinadala ito sa templo."

Ang lahat sa Piazza ay idinisenyo upang magbigay-pugay sa Rome at ipagdiwang ang lokal na kultura, kabilang ang maliliit na detalyeng tulad ng pag-uulit ng mga bituing may labindalawang tulis na hango sa Campidoglio Square ni Michelangelo at mga disenyong may kaugnayan sa mga puno ng olibo na dating nakatayo sa lugar, pati na rin ang pangkalahatang disenyo ng liwasan na kahawig ng sinaunang roman forum.

Noong Marso 25, 2017, inilagay ang gold-plated na rebulto ng anghel na si Moroni sa ibabaw ng mas mataas na tore ng gusali sa silangan, isa sa mga huling detalye ng templo.

Open House at Paglalaan

Matapos makumpleto ang pagtatayo noong Pebrero 2019, ang templo ay binuksan sa publiko sa loob ng ilang linggo kung saan 52,000 katao ang naglibot sa gusali bago ang paglalaan nito.

Ang Rome Italy Temple ay inilaan noong Marso 10, 2019, ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Simbahan, bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nakibahagi sa seremonya ng paglalaan.

“Sa sinauna at dakilang lungsod na ito na nakatayo na mula pa noong panahon ng bibliya—sa makasaysayang bansang ito ng Italy—kinikilala namin ang ministeryo ng dalawa sa mga unang Apostol ng Inyong Anak, sina Pedro at Pablo, na minsang pinagpala ang lupaing ito sa pamamagitan ng kanilang mga paglilingkod,” sabi ni Pangulong Nelson sa panalangin ng paglalaan. “Nawa’y ang impluwensya ng kanilang matibay na patotoo kay Jesucristo ay patuloy na maipamalas sa mga pinahahalagahan ng dakilang bansang ito.”